Ang Mensahe ng Panginoon

[en espa˝ol] [en franšais] [in English]

Makapangyarihan, sukdulan, harapan, nakapagpapabago ng buhay at nakapagpapalaya, ay lahat mga salitang naglalarawan sa mga turo o aral ng ating Panginoong Hesukristo. Sa Isang maingat na paghahambing ng kanyang mga mensahe sa mga karaniwang itinuturo ngayon sa kanyang Pangalan, ay matutuklasan ang kagulat-gulat na pahayag. Lumalabas na ang diwa ng kanyang mensahe ay naging malabo (kung 'di man lubusang nawala); Ang nilalaman nito sa maikling pangungusap ay may pamagat na : Ang Kaharian ng Diyos. Mula sa kanyang unang pangaral , na tinawag na "Ang Sermon sa Bundok", hanggang sa araw na siya ay umakyat sa langit, palagi niyang pinananatili sa iisang paksa ang tema ng kanyang pangaral at pagtuturo, ito ay ang tinawag niyang ang Ebanghelyo ng Kaharian. Dalawang maikling pangungusap sa panalanging "Ama Namin" ay nagbigay ng buod ukol sa kabuuan ng Kaharian ng Diyos. "Dumating nawa ang Kaharian mo." Gawin nawa ang iyong kalooban kung paano sa langit gayun din sa lupa," (Mateo 6:10). Ngayon, ang kagustuhan o kalooban ng tao , hindi ng Diyos ang nagaganap dito sa Lupa.

Sa maraming pagkakataong nagpahayag si Hesus ukol sa Kaharian ng Diyos, hindi niya kailanman ipinaliwanag ito. Kataka-taka ngang wala ni isa man sa mga nakarinig sa kanya ang nanghingi ng paliwanag ukol dito. Nang nagpahayag si Hesus, tila bagang lahat sila ay naintindihan ang Kaharian, at iyon nga ang katotohanan. Ang kaalaman ukol dito ay karaniwan sa bawat Israelita, sa kadahilanang ito ang kanilang pag-asa na kay tagal na nilang hinintay, na daang-daang taon ang paghihintay. Para sa atin, kabaligtaran, ito ay naiibang katawagan at hindi kilalang ideya. Sa kadahilanang kailangan nating maunawaan ang mensahe ng ating Panginoon, kinakailangang matamo natin ang kaliwanagan. Ang isang magandang panimula ay tanggapin ang pangangailangan ng tao sa Kaharian ng Diyos. Maraming kasulatan ang nagpahayag ng kasamaan ng sangkatauhan, subalit walang nagbigay ng pagsasalarawan ng kasing ikli subalit malaman ng gaya sa Liham para sa Mga Taga Roma.

Mga Taga Roma 3:10-18Tulad ng nasusulat; "Walang matuwid, wala kahit isa. Walang nakauunawa, walang humahanap sa Diyos. Silang lahat ay tumalikod, pare-pareho silang nawalan ng kabuluhan. Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa." "Ang mga lalamunan nila'y parang libingang nakabukas; ang mga dila nila'y puspos ng pandaraya." "Kamandag ng ulupong ang nasa kanilang mga labi." "Ang mga bibig nila'y puno ng panunungayaw at kapaitan." "Ang mga paa nila'y matulin sa pagbububo ng dugo; pagkawasak at kapighatian ang makikita sa kanilang dinaanan at hindi nila alam ang daan ng kapayapaan." "Ang pagkatakot (pag-galang) sa Diyos ay wala sa kanilang mga mata.

Itong paglalarawan sa sangkatauhan ay hindi nakaayon ng siya ay unang nilikha. Noong una, siya ay nilikha ayon sa larawan ng Diyos o sa wangis ng Diyos.

Genesis 1:26-28Pagkatapos, sinabi ng Diyos, "Lalangin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda sa dagat at mga ibon sa himpapawid, sa lahat ng hayop na maamo, at sa lahat ng mga nilikhang naglipana sa ibabaw ng lupa." Kaya nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan, ayon sa larawan ng Diyos, nilalang niya ang tao: nilikha silang lalaki at babae. Pinagpala sila ng Diyos, at sinabi, "Maging mabunga kayo at magpakarami; punuin ninyo at sakupin ang daigdig. Pamahalaan ninyo ang mga isda sa dagat at ang mga ibon sa himpapawid, gayon din ang bawat nilikhang may buhay na naglipana sa lupa.

Ang kauna-unahang balak ng Diyos para sa tao ay ang pagkakaroon ng pamamahala sa isang daigdig na walang kapintasan. Nilikha Niya si Adan at Eba ayon sa Kanyang larawan, binigyan ng kakayahang magkaroon ng dakilang kapangyarihan sa mundo sa ilalim ng Kanyang kataas-taasan at lubos na kapangyarihan. Dito sa unang kapaligiran at kalagayang walang kapintasan, ang tao ay maaring magkaroon ng isang mapagmahal at magkakasundong pamumuhay sa Diyos at sa bawat isa magpakailanman. Ang kasalanan, galit, pagtatalo, lungkot, sakit at kamatayan ay hindi iiral sa Hardin ng Eden. Kabanalan, pagmamahal, kapayapaan, kagalakan, kalusugan at buhay , ay lalago at iiral magpakailanman.

Subalit, matapos tuksuhin ng ahas, si Adan at Eba ay gumawa ng pasiya na suwayin ang tuwirang pinag-uutos ng Diyos. Ang mga bunga ng kanilang pinili ay nagdulot ng isang malaking kapahamakan, na naka apekto sa bawat aspeto ng sangnilikha. Ang kanilang pamamahala ay lubhang nabawasan, ang mundo ay sumama, at ang kanilang maayos na kaugnayan ay nadumihan ng poot at pagtatalo. Binalot ng kasalanan ang tao sa kadahilanang si Satanas ay naging diyos ng panahong ito, at dahil diyan ay naging pangunahing humihikayat sa sangkatauhan. Ang kanilang kawalang-kamatayan ay napalitan ng kamatayan.

Ang pagkakasala ng tao ang tunay na sumira sa orihinal na balak ng Diyos, subalit hindi nito napigil ang Diyos sa Kanyang layunin. Matapos ang kasalanan, ang Diyos ay kaagad naghanda ng balak upang tubusin ang tao at maipanumbalik ang daigdig sa kanyang dating Paraisong kalagayan. Habang ang kasulatan ay nagpapatuloy, ang balak o planong ito ng Diyos ang naging pangunahing tema na tinawag ng ating Panginoong Hesukristo na, ANG KAHARIAN NG DIYOS.

Habang ang aklat ng Genesis ay nagpapaliwanag kung ano ang nangyari noong una, ang aklat ng Pahayag ay nagsasaad naman kung ano ang mangyayari sa katapusan. Ang Kaharian ng Diyos ay darating, at ang Kanyang kagustuhan para sa Lupa ang magaganap , gaya ng sa Langit. Si Adan at Eba ay pinalayas sa Paraiso at pinigilan o sinaway na kumain mula sa puno ng buhay. Ang kanilang Paraiso ay tuluyang nawasak sa pamamagitan ng baha noong panahon ni Noe. Subalit, ipinangako ng Diyos na ang Paraiso at ang puno ng buhay ay muling babalik.

Pahayag 2:7Ang may pandinig ay makinig sa sinabi ng Espiritu sa Iglesiya. Ang sinumang magtagumpay ay bibigyan ko ng karapatang kumain ng bunga ng kahoy na nagbibigay buhay na nasa paraiso ng Diyos.

Ang mga matuwid ay muling magkakaroon ng pamamahala sa mundong lilikhaing muli ng Diyos. Ang pakikitungo ng tao sa Diyos ay babalik sa dati, gaya nang bago nag kasala ang tao: banal, mapagmahal, magkasundo at ganap na malaya sa mga kasalanan. Ang mga matuwid ay mabubuhay na magpakailanman kasama ang Panginoong Hesukristo at ang Diyos sa daigdig na mala paraiso.

Pahayag 21:1-4At nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa, sapagkat ang unang langit at unang lupa ay naparam na at wala na ring dagat. Nakita ko ang banal na lunsod, ang bagong Jerusalem, bumababang buhat sa langit, galing sa Diyos nagagayakang mabuti na animo'y babaing handang pakasal sa kanyang mapapangasawa. At mula sa trono'y narinig ko ang isang malakas na tinig na nagsasabi, "Ngayon ang tirahan ng Diyos ay nasa mga tao, at siya'y makakasama nila. Siya ang magiging bayan niya, at ang Diyos mismo ay makakasama nila at Siya ang magiging Diyos nila. Papahirin Niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Mawawala na ang kamatayan, ang kapighatian, ang pagluha at ang hapdi at kirot, pagkat lumipas na ang mga bagay na ito.

Ang panimulang pang-unawa ukol sa Kaharian ng Diyos ay matatagpuan sa Patriyarkang Abraham. Ang Diyos ay gumawa ng tipan sa Kanya na may bisa sa lahat ng mayroong pananampalataya. Ang Diyos ay gumawa ng maraming pangako sa taong ito, na kung saan ang ilan ay naganap na, at ang iba ay magaganap sa pagdating ng Kaharian. Sinimulan ng Diyos ang kaugnayan kay Abram (pagkatapos - ay binago ang pangalan niya sa Abraham) habang siya ay nanirahan sa Mesopotamia. Ang kanyang mga bilin ay tiyak - iwan mo ang iyong bayan, kamag-anak, tahanan ng ama at pumunta sa lupaing ipapakita ko sa iyo. Ipinangako ng Diyos ang mga sumusunod:

Genesis 12:2-3"Gagawin kitang isang dakilang bansa at pagpapalain kita. Gagawin ko ring dakila ang iyong pangalan at magiging pagpapala ka. Pagpapalain ko ang magpapala sa iyo at sinumang sumusumpa sa iyo ay susumpain ko; at ang lahat ng tao sa daigdig ay pagpapalain sa pamamagitan mo."

Sinunod ni Abram ang Diyos at lumisan, kung kayat nagsimula ang kanilang ugnayan. Hindi naglaon ay ipinakilala siya ng Diyos, nang sabihin Niyang, "Aking kaibigang Abraham." Wala nang iba pang tinawag na Kaibigan ng Diyos! Habang si Abraham ay lumalago sa kanyang pananampalataya at pangako , gayon din ang mga pangako ng Diyos. Inilapit ng Diyos ang Kanyang sarili kay Abraham sa isang kakaibang paraan. Gumawa siya ng mga pangako sa kanya at sa kanyang mga binhi na umabot sa walang-hanggan . Upang ikintal o pagtibayin ang mga pangako, gumawa ang Diyos ng tipan ng dugo sa kanya na lubos na sumisiguro na ang Kanyang mga pangako ay matutupad. Matapos maipakita ni Abraham ang kanyang pananampalataya sa pamamagitan ng pagsunod sa Diyos hanggang sa punto ng pag-alay ng buhay ng anak na si Isaac, nangako ang Diyos sa pamamagitan ng isang pambihirang paraan. Nangako siya sa Kanyang sarili na Kanyang tutuparin ang mga pangakong ginawa kay Abraham. At wala saan mang panahon na ang Diyos ay nagbigay ng tatlong ulit na garantiya o pagtitiyak : pangako, tipan, at sumpa. Sa isang masusing pagsisiyasat ng Genesis 12 hanggang 22 ay matutunghayan ang paglalaan ng isang malawak na pagtanaw sa lahat ng pangakong ginawa. Ating nang napuna na unang ipinangako ng Diyos na gagawin siyang isang dakilang bansa. Habang ang kasulatan ay nagpapatuloy, ang naging maliwanag ay, ang Israel ang ipinangakong bansa. Subalit, ang hindi naging gaanong malinaw sa maraming panahon ay, ang Diyos ay nangako ding ang mga bansa ay magmumula kay Abram. Sa katunayan nga, ang pagpapalit ng pangalan mula sa Abram tungo sa Abraham ay nag larawan ng karagdagang pangako. Ang ibig sabihin ng "Abraham" ay ama ng maraming bansa.

Genesis 17:5Hindi ka na tatawaging Abram, Tatawagin kang Abraham, sapagkat ginawa na kitang ama ng maraming bansa.

Ang Salitang Hebreo na "goy" ay isinalin sa salitang Ingles na "bayan" o "Mga Hentil". Kahit ngayon ang mga Judio ay ginagamit ang salitang "goy" upang tukuyin ang sinoman na hindi Israelita. Ipinahayag ng Diyos kay Apostol Pablo ang naging hiwaga sa paglipas ng daan-daang taon - Na sinadyang isinama ng Diyos ang mga Hentil bilang mga tagapagmana ng mga pangako na ibinigay kay Abraham. Palaging isinasaisip ng Israel si Abraham bilang kanilang Ama. Subalit, inihayag ni Pablo na ang tunay na mga anak ni Abraham ay yaong ang pananampalataya ay parehong mula sa Israelita ( ang mga tuli) at ang mga Hentil ( mga hindi tuli). Yaong mga may katulad na pananampalataya kay Abraham ay tinuturing na kanyang mga anak.

Mga Taga Roma 4:11-12, 16Tinanggap niya ang tanda ng pagtutuli, isang tatak ng katuwirang tinamo niya dahil sa pananampalataya noong hindi pa siya tuli, Kung gayon, siya ang ama ng lahat ng sumasampalataya ngunit hindi pa natutuli, upang ibilang itong katuwiran sa kanila. Siya rin ang ama ng mga tuli, hindi lamang dahil sa sila'y tuli kundi dahil sa sila'y lumakad sa bakas ng pananampalataya ng ating amang si Abraham noong hindi pa siya tuli. Kaya dumating ang pangako sa pamamagitan ng pananampalataya upang maging kaloob sa pamamagitan ng biyaya at may garantiya sa lahi ni Abraham- hindi lamang sa mga nasa kautusan, kundi rin sa mga nasa pananampalataya ni Abraham. Siya ang ama nating lahat.

Si Abraham ay Ama ng lahat ng naniniwala. Inihambing ng Diyos ang kanyang mga binhi sa alikabok ng lupa, sa mga hindi mabilang na bituin, at sa mga buhangin sa dalampasigan ng dagat, dahil alam Niyang kasama dito ang higit pa sa mga inapo ng Israelita. Ang Israel ay isa lamang bansa. Ang pagkasama ng mga Hentil ang naging sanhi kung kaya't sinabing maraming bansa.

Mga Taga Galatia 3:6-9Pansinin ninyo si Abraham; Sumampalataya siya sa Diyos, at dahil dito, siya'y ibinilang na matuwid. Kaya nga, unawain ninyo na ang mga sumampalataya ay mga anak ni Abraham. Sa simula pa'y ipinakita na ng Kasulatan na pawawalang-sala ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya, at noon pa'y ipinahayag na ang ebanghelyo kay Abraham: "Ang lahat ng bansa ay pagpapalain sa pamamagitan mo." Kaya nga ang mga may pananampalataya ay pinagpalang kasama ni Abraham, ang lalaking may pananampalataya.

Nang mag salita o nagpahayag ang Diyos kay Abraham, kasama sa kanyang mga binhi ang lahat ng maniniwala parehong , mula sa mga Israelita at sa mga Hentil dahil sa naisakatuparang gawain ni Hesukristo.

Talata 14Tinubos tayo upang tanggapin natin ang pangako ng Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa gayon, ang pagpapalang ibinigay kay Abraham ay dumating din naman sa mga Hentil sa pamamagitan ni Cristo Hesus.

Kung ating pinaniniwalaan si Kristo, tayo ay mga binhi ni Abraham at kasama ding tagapagmana sa mga Pangako.

Talata 29Kung kayo'y kay Kristo, kayo nga' y mga binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako.

Ang mga tapat na tagasunod ni Kristo ay magmamana din ng mga pangakong ibinigay kay Abraham. Ang isang napakahalagang pangako ay ukol sa lupa. Nang unang banggitin ng Diyos kay Abram ang lupa, walang tiyak na hangganan ang ibinigay. Sinabi lang Niya, "Itong lupang ito" (Genesis 12:7). Subalit, habang ang panahon ay lumilipas, ang lipon ng lupain ay lumawak ng lubusan. Sa huli ipinangako ng Diyos kay Abraham at sa kanyang mga binhi ( na ngayon ay alam na nating kasama ang lahat ng may pananampalataya) ang buong daigdig.

Mga Taga Roma 4:13Ang pangako kay Abraham at sa kanyang supling na sila ay tagapagmana ng sanlibutan ay tinanggap nila sa pamamagitan ng katuwirang bunga ng pananampalataya at hindi dahil sa kautusan.

Yaong mga naiwala nila Adan at Eba at siyang ipinahayag sa aklat ng Pahayag na darating muli, isang bagong daigdig, ay ipinangako kay Abraham at sa kanyang mga anak sa pananampalataya. Tinirhan ng Israel ang bahagi ng lupang ipinangako subalit sa maikling panahon lamang. Subalit ang pagtira doon ay hindi nangangahulugan ng kaganapan at katuparan ng mga pangakong ibinigay kay Abraham. Hindi kasama dito ang buong mundo, o kaya ay tumagal magpakailanman. Ang maganda nito, ito ay halimbawa ng mangyayari kapag si Kristo ay babalik upang ihanda ang Kaharian ng Diyos.

Kahit na marami ang naniniwala na ang walang-hanggang buhay ay magaganap sa langit, malinaw at malimit ihayag ng kasulatan na ang Paraiso sa lupa ang tadhana ng mga tapat. Isang maingat na pag-aaral sa mga turo ni Hesus ay naghayag ,na kanyang tinuro ang Kaharian ng Diyos na paparito sa lupa.

Isa pang mahalagang pangakong ibinigay kay Abraham na umuugnay sa Kaharian ng Diyos ay, " Mga hari ang magmumula sa iyo". Katotohanan ngang maraming hari ang nanggaling sa lahi ni Abraham, isa sa mga kapuna-puna ay si David at Hesus. Ang pamumuno ni David sa Israel ay inihayag bilang halimbawa ng pamumuno o pamamahala ni Hesus sa Israel at sa daigdig sa unang isang libong taon, matapos ang kanyang pagbabalik. Ang unang pagkilos na ginawa ni David bilang hari sa isang nagkakaisang Israel , ay ng kunin ang lunsod ng Herusalem at gawin itong sentro ng pagsamba at Punong Lunsod. Sinabi ni Moises sa mga Israelita na ang Diyos ay pumili ng isang natatanging lugar sa ipinangakong lupa para sa Kanya - isang lugar na kung saan siya ay sasambahin.

Subalit ng pangunahan ni Josue ang mga Israelita sa lupain, ang kinuha nila ay ang lahat ng mga lugar na nakapaligid sa Herusalem, at hindi kailanman kinuha ang mismong lungsod ng Herusalem. Ang tiyak na lugar na nais ng Diyos, na tatawaging Lungsod ng Diyos, ay iniwan nila upang tirhan ng mga pagano. Sa mahigit na limang daang taon (500 taon), hindi nila kinuha ang Herusalem. Si David, ang taong ang puso'y ay tulad ng sa Diyos, ay kinuha ang lunsod at nagpatuloy sa pagsasagawa ng mga kagustuhan ng Diyos para sa Lunsod. Ang sumunod na bagay na kaagad ginawa ni David ay ibinalik ang arko ng tipan sa lunsod at sinimulan ang pag puri at pagsamba na siyang nais ng Diyos at siya namang pinabayaan ng mga Israelita. Si David ay namili ng libo-libong Levita upang purihin at pagsilbihan ang Panginoon. Ang panahong ito ay tinawag na "Panahon ng Zion" at ipinapalagay na ito ang pinaka matamis na naging ugnayan ng Israel sa Diyos. Sa kasamaang palad, ito ay hindi nagtagal, subalit ito ay tumatayo paring halimbawa para sa kung ano ang gagawin ni Hesus sa kanyang pagbablik. Sa araw na iyon, muling kukunin ni Hesus ang Herusalem para sa Diyos at gagawin itong punong lunsod ng Diyos, para sa pamamahala ng buong sanlibutan na ayon sa gusto ng Diyos. Ito ay muling magiging Lunsod ng Diyos.

Ang Diyos ay gumawa ng tipan kay David gaya ng ginawa niya noon kay Abraham.

I Mga Cronica 17:11-14Pag ikaw ay pumanaw na at namayapa ka na sa piling ng iyong mga ninuno, magtatayo ako ng isa mong supling upang pamalit sa iyo, isa sa iyong mga anak, at patatatagin ko ang kanyang Kaharian. Siya ang magtatayo ng bahay para sa akin, at patatatagin ko habang panahon ang kanyang kaharian. Ako ang kanyang magiging ama, at siya ay magiging anak ko. Hindi ko ilalayo sa kanya ang aking pagmamahal na inalis ko sa mga sinundan mo. Itatalaga ko siya sa aking bahay at sa aking kaharian, at ang trono niya ay mananatili magpakailanman.

Ang binhi ni David na uupo sa kanyang trono magpakailanman ay si Hesus ng Nazareno, na tinawag na Kristo. Nang sabihin ng anghel kay Maria ang tungkol sa kanyang ipinaglilihi, ipinahayag niya na ang kanyang anak ang siyang ipinangako kay David.

Lucas 1:31-33Maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki, at siya'y panganganlan mong Hesus. Magiging dakila siya at tatawaging Anak ng kataastaasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang Amang si David at maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman. Hindi magwawakas ang kanyang kaharian.

Si Hesus ang mamamahala sa trono ni David sa Herusalem ( II Samuel 7:12-14: Mga Awit 132:11, Isaias 9:6 at 7; 16:5, Jeremias 23:5 at 6).

Ang Lumang Tipan ay puno ng mga pahayag ukol kay Cristo. Ang salitang "Mesias" unang-una ay ginamit sa Lumang Tipan, samantalang ang salitang "Cristo" ay higit sa lahat kalimitang ginamit sa Bagong Tipan. Ang dalawang salitang ito ay nangangahulugan ng parehong bagay - ang "pinili". Ang dakilang saserdote, ang propeta, at ang hari ay lahat pinili , kung kaya ay nagsisilbing halimbawa para kay Cristo. Si Moises ( ang limang unang aklat ng Lumang Tipan) at ang lahat ng mga propeta ( ang iba pang aklat ng Lumang Tipan) ay malimit na nagbabanggit ukol sa Mesias. Ipinaalam nila ang maraming detalye ukol sa kanyang mga gagawin at sasabihin. Bago isinilang ang Mesias, itong mga kasulatan ay naglaan ng masalimuot na plano upang magkaroon ng batayan sa paghahambing at matukoy ang katotohanan ng Cristo. Kahit na hindi naitala lahat ng apat na Ebanghelyo ang mga ginawa at sinabi ni Hesus, kanilang pinahayag ang lahat na nararapat upang matukoy na siya ang Cristo. Isinakatuparan niya lahat ng hinulaan ukol sa kanyang unang pagdating.

Para doon, isinakatuparan niya ang hula upang patunayan na siya ang Cristo, maaari tayong magkaroon ng kasiguruhan , na siya din ay babalik at tatapusin ang iba pa na ipinangako ukol sa kanya. Muli, marami ang isinulat ukol sa kanyang pangalawang pagdating. Ang kanyang pagbabalik ang magtatanda ng panimula ng Kaharian ng Diyos dito sa lupa. Sisiguruhin niya na ang kagustuhan ng Diyos ay magaganap sa lupa gaya ng sa langit.

Bago nabuhay na muli at umakyat sa langit si Hesus, tiniis niya ang masidhing pahirap at kamatayang alam ng tao. Ang kanyang mga paghihirap at kamatayan ay naglaan ng kapalit na paghihirap na kinakailangan para sa pagtubos at kaligtasan ng sangkatauhan. Bago ang muling pagbabalik ni Hesus, magkakaroon ng panahon ng matinding pasakit at kamatayan. Subalit, hindi na siya ang magiging biktima noon. Ang tatlo at kalahating taon bago ang kanyang pagdating ay magiging panahon ng matinding paghihirap para sa buong sangkatauhan. Ang daigdig at lahat ng naandito ay maaapektuhan.

Ang dakilang pag-asa ng mga kristiyano ay naka sentro sa pagbabalik ni Cristo kung saan ang pagkabuhay na muli ng mga matuwid ay magaganap. Sa unang pagkabuhay ng mga patay, lahat ng mga mananampalataya mula sa lahat ng panahon ay bubuhaying muli at bibigyan ng bagong buhay na walang-hanggan. Ang mga mananampalataya na buhay sa kanyang pagbabalik ay mababago din ng sabay-sabay sa mga binuhay na. Nang si Hesus ay binuhay na muli, siya ang naging unang pinanganak mula sa mga patay. Ang ibig sabihin ng unang pinanganak ay walang nauna subalit ang iba ay susunod. Ang buhay na ibinigay sa kanya ng siya ay binuhay mula sa pagkamatay ay halimbawa ng kung ano ang ibibigay doon sa pagkabuhay na muli ng mga matuwid.

Sa panahong ito, uumpisahan ni Hesus ang pamumuno sa kaharian ng Diyos dito sa lupa. Uupo siya sa trono ni David sa Lunsod ng Diyos, ang Herusalem. Siya ang mamamahala o mamumuno sa buong mundo para sa Diyos at lahat ng bansa ay mapapasailalim sa kanya. Ang mga nabuhay na muling mga banal ay mamamahala kasama niya, bilang mga hari at saserdote sa loob ng isang libong taon. Sa panahong ito , si satanas ay ikakadena sa napakalalim o di maarok na hukay , at ang kanyang impluwensiya sa daigdig ay pansamantalang titigil (Pahayag 20:1-6).

Ang panahong ito ay tinatawag na ang pagbabagong-buhay dahil magkakaroon ng muling paglikha ng buhay (Mateo 19:28; Tito 3:5). Ang mga pagbabago ay sukdulan, sumusulong at pumapalibot sa kahit na sino at kahit na ano. Ang mga hindi kanais-nais at mga ilang na kalupaan sa daigdig ay mababago. Ang mga lambak ay tatambakan; ang mga bundok ay pabababain (Isaias 40:4). Ang mga disyerto at kagubatan bubukalan ng tubig at taniman (Isaias 35:7; 41:18 at 19; 43:19).

Ang lahat ng digmaan at ang ideya ukol sa digmaan ay titigil (Isias 2:4; Micas 4:3). Ang mga sandata ng digmaan ay tutupukin sa apoy sa unang pitong taon matapos bumalik si Cristo at huhulmahin upang maging gamit pang agrikultura (Ezekiel 39:9). Kahit na ang mga kahayupan ay dadaan din sa matinding pagbabago. Ang kakanin ng mga hayop ay pawang mga halaman at sila-sila ay mamumuhay ng payapa kasama ang sangkatauhan (Isaias 11:6-9; 65:25). Lahat ng mga pagbabagong ito ay dahan-dahang magaganap hanggang sa katapusang ang paraiso ay maitatag sa lupa.

Sa katapusan ng isang libong taon, kakalagan si Satanas sa maikling panahon. Muli siya ay manlilinlang ng marami at sisikaping pamunuan ang pag rerebelde laban sa kaharian ni Cristo. Subalit ang kanyang mga pagsisikap ay maikli lamang dahil lahat ng kasangkot ay uubusin sa pamamagitan ng apoy na bababa galing sa langit mula sa Diyos. Pagkatapos ang diyablo ay itatapon sa kumukulong lawa ng nagniningas na asupre na kung saan siya ay pupuksain ng lubusan. (Pahayag 20:7-10).

Sa parehong panahon, sa pangalawang pagkabuhay - ang pagkabuhay ng mga masasama - ay mangyayari. Sa pagkabuhay na ito, lahat ng mga hindi naniniwala mula sa mga nakaraang panahon at yaong mga nasa 1,000 taong kaharian ay huhusgahan. Ang sinomang hindi nakasulat sa aklat ng buhay ay itatapon sa kumukulong lawa ng apoy kasama ng kamatayan at libingan (Hades) (Pahayag 20:11-15).

Sa parehong panahon, sa pangalawang pagkabuhay - ang pagkabuhay ng mga masasama - ay mangyayari. Sa pagkabuhay na ito, lahat ng mga hindi naniniwala mula sa mga nakaraang panahon at yaong mga nasa 1,000 taong kaharian ay huhusgahan. Ang sinomang hindi nakasulat sa aklat ng buhay ay itatapon sa kumukulong lawa ng apoy kasama ng kamatayan at libingan (Hades) (Pahayag 20:11-15).

Ang maraming bagay na ginawa ni Hesus na siyang nakatala sa apat na Ebanghelyo ay nagpatotoo na siya ang Cristo, ang anak ng Diyos. Isa pang nilalaman sa Ebanghelyo, na katulad at magkasing halaga, ay ang maraming bagay na kanyang sinabi. Habang ang paglilingkod ni Juan Bautista ay parating sa katapusan dahil sa kanyang pagkabilanggo, ang paglilingkod ng ating Panginoon ay nagsimulang umunlad. Ang mga sumusunod na ulat na binanggit sa simula ng kanyang paglilingkod ay ipinahayag ang paksa ng kanyang mensahe ng pauli-ulit.

Mateo 4:17Mula noon, nangaral na si Hesus. Ang sabi niya, "Magsisi na kayo, malapit na ang kaharian ng langit."

Matapat niyang ipinahayag ang Ebanghelyo ng Kaharian sa kabuuan ng kanyang paglilingkod hanggang bago siya umakyat sa langit.

Mateo 4:23Nilibot ni Hesus ang buong Galilea at nagturo sa mga sinagoga. Ipinangaral niya ang mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos...
Mga Gawa 1:3Matapos niyang magbata, napakita siya sa mga taong ito at naglahad ng maraming kapani-paniwalang katibayan na siya ay buhay. Napakita siya sa kanila sa loob ng apatnapung araw, at nagsalita tungkol sa Kaharian ng Diyos.

Subalit sa lahat ng kanyang itinuro ukol sa Kaharian, kaunting pagdidiin ang inilagay sa mga detalyeng ipinagbigay alam sa pagsusulat na ito. Hindi tulad ngayon, alam ng lahat ang tungkol sa kanyang Kaharian; kung kayat hindi na niya kinakailangang magpaliwanag. Ang tunay na pangkaraniwan ay itong kaalaman na kahit ang taong gaya ni Herodes ay nakaalam. Si Herodes, ang makasalanan, walang paniniwalang gobernador, ay naiintindihan na ang Mesias ay darating upang mamahala sa trono ni David at mamuno sa Israel. Siya ay naniniwala at natakot sa Mesias kung kayat pinapatay niya ang lahat ng mga bata dalawang taon pababa sa Betlehem sa pagsisikap na mawala na siya.

Mula sa mga araw ni Abraham, mga libo-libong taon, ang mga Israelita ay umaasa sa katuparan ng pangako na siyang magdadala sa Kaharian ng Diyos sa lupa. Si Moises at ang lahat ng mga propeta ay sumulat ukol sa Kaharian, kung kaya't ito ay karaniwang naiintindihan. Ganoon din sa Bagong Tipan, ang mga apostol ay lahat nagpahayag din ng ganoon. Ang aklat ng Mga Gawa ay natapos dito sa isang buod ukol sa panunungkulan ni Apostol Pablo.

Mga Gawa 28:31Buong tapang at walang balakid na ipinangaral niya ang kaharian ng Diyos at nagturo tungkol sa Panginoong Hesukristo.

Itinuro ni Apostol Pablo ang Kaharian ng Diyos na may karagdagang kaalaman ukol sa dakilang katungkulan ng Panginoong Hesus bilang Kristo. Matapos niyang umakyat sa langit, isa pang bahagi ng plano para sa Kaharian ang sinimulan. Ang panahon sa pagitan ng kanyang pag akyat at ng kanyang pagbabalik ( na siya nating panahon ngayon) ay tinatawag na panahon ng biyaya* (biyayang hindi nararapat na matamo). Ngayon ang mga bagay ay tunay na kakaiba mula ng si Hesus ay lumakad sa lupa o kung paano ito pag siya ay babalik bilang Hari ng Lupa. Sa lumang tipan, tatlong dakilang pagpili ang inihain bilang halimbawa para kay Hesus na Kristo ( Ang Pinili) - ang dakilang saserdote, ang propeta, at ang hari. Itong pagpili na ito ay tumulong sa atin upang maintindihan ang kaugnayang mayroon ang mga naniniwala ngayon kay Kristo habang hinihintay ang kanyan pagbabalik.

Ang mga saserdote noon ang nagsisilbing tagapamagitan para sa mga Israelita. Siya ay nag-alay ng mga hayop na handog bilang pagbabayad para sa kasalanan upang ang kapatawaran ay matanggap. Ang mga pari o saserdote ang nagsisilbi sa tabernakulo , ganoon din sa panahon ni Solomon, sa templo. Si Hesus ang pinili upang ating maging dakilang saserdote. Siya ay nag-alay ng ganap na handog upang maglaan ng muling pagkakasundo magpakailanman at kapatawaran ng mga kasalanan. Ngayon siya ay nasa kanang kamay ng Diyos sa langit, laging buhay upang mamagitan para sa atin. Siya ay inihayag na maawain, tapat, mahabagin, na dakilang saserdote na siyang namamalakad upang tulungan yaong mga natutukso ( Mga Taga Hebreo 2:10-18;4:14-16).

Si Hesus ay pinili upang maging dakilang propeta na sinabi ni Moises na magiging katulad niya subalit nakahihigit sa kanya (dahil ang kanyang mga salita ay maghahatid ng kaligtasan para doon sa mga maniniwala.) Ngayon, ang propetang Hesus ay nagsasalita sa atin sa pamamagitan ng Salita ng Diyos na nakatala sa Kasulatan at sa pamamagitan ng espiritu santo na nananahan sa atin. Sa katulad na paraan na kung saan kanyang itinuro at ginabayan ang kanyang mga alagad, siya ngayon ay gumagawa sa atin sa pamamagitan ng espiritu. Dahil sa espiritu, si Kristo ay nananahan sa atin; kung kaya ang ating propeta ay walang-hanggan, laging kasama natin. (Mga Gawa 3:19-26; Juan 14:25 at 26; 16:13 at 14).

Si Hesus na pinili ay mamahala sa trono ni David sa kanyang pagbabalik. Ngayon, siya ay nananahan sa mga puso at buhay ng mga sumusunod sa kanyang mga ipinag-uutos. Siya ang ating Panginoon at puno, kung kaya kanyang pamamahalaan ang ating buhay, habang hinihintay natin ang maluwalhati niyang pagbabalik. Sa pamamagitan ng Kristo na nasa atin, magagawa natin ang lahat anupaman ang mga pangyayari dahil naglalaan siya ng lakas. Ginawa niya tayong laging napagtatagumpayan ang lahat kahit na sa ngayon, habang tayo ay nananahan sa makasalanang panahon na ito. (Lucas 1:30-33; Mga Taga Roma 8:35-39).

Kapag narinig natin ang mensahe ng ating Panginoon, (ang makatwirang katanungan ay dapat ganito, "Ano ba ang nararapat kong gawin upang maging bahagi ng Kaharian ng Diyos? Ang kasagutan ay inilaan din sa pagtuturo ng ating Panginoon; kung kaya ang pagsasaliksik ng Kasulatan ay nararapat na pinakamahalagang tungkulin natin. Isinabuod ito ng maayos ni Pedro.

Mga Gawa 3:19-21 Kaya magsisi na kayo ngayon at magbalik-loob sa Diyos. Sa gayon, papawiin niya ang inyong mga kasalanan, upang dumating sa inyo ang kaginhawahan mula sa Panginoon. At upang kanyang suguin ang Cristo na itinakda para sa inyo - samakatuwid ay si Hesus. Dapat muna siyang manatili sa langit hanggang sa dumating ang panahong ibabalik ng Diyos ang lahat ng bagay, gaya ng kanyang malaon nang ipinangako sa pamamagitan ng mga banal na propeta.

Nais mo bang magpatuloy sa pagbabasa?