Ang Pahayag Ng Aming Mga Paniniwala

en françaisen español | in English | in Urdu

Napapaloob sa website na ito ay mga nasulat at mapapakinggang pagtuturo na inilaan upang magdulot ng matatag at ganap na kasulatan para sa bawat paniniwalang inihayag. Sa kadahilanang ang aming paglilingkod ay tapat sa patuloy na pagsasaliksik ng Kasulatan, kami ay nanatiling bukas upang matuto at handa sa mga pagbabago, kapag pinatutunayan ng Kasulatan at ipinag-uutos ang pagbabagong iyon. Paki sunod lang po ang mga halimbawang ipinakita ng mga taga Berea.

Mga Gawa 17:11
Ang mga taga-Berea ay may mas marangal na ugali kaysa Mga Taga-Tesalonica, pagkat buong pananabik nilang tinanggap ang mensahe at sinasaliksik nila araw-araw ang mga kasulatan para alamin kung totoo ang sinasabi ni Pablo.

Diyos

Ang makapangyarihang Diyos ang lumikha at tagapangalaga ng kalangitan at daigdig. ( Nehemias 9:6). Siya ang tunay na pinaka makapangyarihan sa lahat, walang-hanggan, walang kamatayan at bukod tanging marunong. ( I Timoteo 1:17) ang Kanyang pangalan ay YHWH (Yahweh): siya ay mahabagin at mapagbiyaya, mapagtiis, sagana sa kabutihan at katotohanan (Exodo 34:6). Siya din ang Diyos ng paghuhusga. Siya lamang ang dapat na tanging tuon ng pagsamba na karapat-dapat sa kaluwalhatian, karangalan at buong debosyon. Ipinag-uutos niya ang paniniwala sa iisang Diyos at isinusumpa ang paniniwala sa maraming Diyos. "Dinggin mo, O Israel: Ang Panginoon nating Diyos ay iisang Panginoon. Ang Panginoon ninyong Diyos ay ibigin ninyo nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas. (Deuteronomio 6:4 at 5).

Hesus

Si Hesus ng Nazareno ang ipinangakong binhi ng Genesis 3:15. Siya ang taong ipinahayag ng lahat ng mga propeta sa (Mga Gawa 3:18, 21). Siya ang "propetang" ipinahayag ni Moises na darating (Deuteronomio 18:15-19). Siya ay inapo ni David, ang anak ng Diyos ( Mga Taga Roma 1:3). Si Hesus na Kristo ay pinili upang maging Dakilang Saserdote at Hari. Namatay siya sa krus bilang paghahain sa kasalanan ng tao. Siya ay binuhay na muli ng Diyos at inilagay sa kalangitan sa kanang kamay ng Diyos. Siya ay mananatili doon hanggang sa kanyang pagbabalik bilang Hari na siyang uupo sa trono ng kanyang Amang Diyos at mamamahala para sa Diyos dito sa daigdig. (Mga Awit 110). Ang pagkabuhay na muli ni Hesus ang hindi maitatanging katunayan na siya ang anak ng Diyos (Mga Taga Roma 1:1-5). Siya ang daan, katotohanan at buhay. Walang makapupunta sa Ama, kundi sa pamamagitan lamang niya (Juan 14:6). Siya ang anak ng Diyos at hindi Diyos anak.

Espiritu Santo

Ang Espiritu Santo ay ang pagkakaroon ng kapangyarihan ng Diyos na ibinigay sa mga masunuring alagad para sa mga layunin ng pagtuturo, pagpapa-alala, pagpapatunay kay Kristo, paggabay, pagpapakita ng mga bagay na darating, pagpapatibay, at pagluluwalhati sa Panginoon. Aakayin nito ang mga tapat sa panahong darating (Juan 14-16).

Ang Bibliya

Ang Bibliya na binubuo ng mga kasulatang Hebreo at Griyego, ay ang kinasihan at dapat sunding Pahayag ng Diyos. Nakapaloob dito ang lahat ng bagay ukol sa buhay at kabanalan. Sa pamamagitan ng kababaang loob (laging naka-asa sa Diyos), kaamuan (laging handang makinig sa mga bagay na ukol sa Diyos), at pag-galang sa Panginoon, nagsisikap kaming unawain ang Kasulatan (II Timoteo 3:16, II Timoteo 2:15)

Ang Kaharian ng Diyos

Ang Kaharian ng Diyos ang nagbubuklod na paksang laganap sa kabuuan ng kasulatan. Ito ay nagsisilbing daan upang pagsama-samahin ang ibat-ibang bahagi ng bibliya sa isang ganap na kabuuan. Si Hesus na Mesias, ang mga propeta, ang mga apostol, lahat sila ay nagsalita ukol dito sa parating na Kaharian. Sa pagbabalik ni Cristo, mamumuno siya sa buong daigdig sa pamamagitan ng kanyang tronong matatagpuan sa Herusalem. Ang kanyang pamamahala ay magiging matuwid, makatarungan, at tiyak. Ang Kahariang ito ang nasaisip ni Hesus nang siya ay nagpapahayag ng Ebanghelyo at sinabing "Magsisi na kayo, malapit nang dumating ang Kaharian ng Diyos." (Mateo 9:35, Marcos 1:14-15; Mga Gawa 1:3, 8:12;19:8:20:24; 28:23,31: Mateo 24:14)

Ang Lumang Tipan

Isinakatuparan ni Hesus ang Lumang Tipan ( na ibinigay sa Bundok ng Sinai) kung kaya tinapos na niya ito. (Mateo 5:17-20; Mga Taga Roma 10:4). Sinimulan niya ang isang bagong tipan na matatapos sa kanyang pagbabalik. Ang katungkulan ng tao sa tipan ay sundin ang mga salita ng ating Panginoong nakatala sa Bagong Tipan ng kasulatan. (Sa Mga Hebreo 8:7-13; 10:15-39).

Ang Dyablo

Si Satanas ay masama na siyang diyos ng panahong ito. (II Mga Taga Corinto 4:4). Siya ang kalaban na sumisila sa lahat ng nais niya at kailangang palaging tutulan ( I Pedro 5:8 at 9). Ang kanyang hantungan ay nakakintal o nakatatak, sa katapusan ng 1,000 taong pamumuno ni Kristo. Siya ay itatapon sa kumukulong lawa ng apoy at doon wawasakin magpakailanman (Pahayag 20:7-10).

Ang Pagkabuhay ng muli

Si Hesus lamang ang tanging lubusang nabuhay na muli mula sa pagkamatay. Siya ay umakyat sa langit at nasa kanang kamay ng Diyos hanggang ang kanyang mga kaaway ay kanyang gawing tapakan. Lahat ng mga patay ay walang malay sa libingan hanggang sa pagkabuhay na muli ( Mga Awit 110, I Mga Corinto 15, I Mga Taga Tesalonica 4:13-18.

Ang Pangalawang Pagdating

Sa pagbabalik ni Hesus, ang pagkabuhay na muli ng mga matuwid ay magaganap, na kung saan ang lahat ng mga naniniwalang namatay ay muling bubuhayin. Ang mga naniniwalang buhay sa kanyang pagbabalik ay magbabagong anyo kasabay ng mga binuhay na muli. (Mateo 24:31; I Mga Taga Corinto 15:23; I Mga Taga Tesalonica 4:16 at 17). Sa panahong ito lahat ng mga naniniwala, buhay at patay, ay tatanggapin ang mga bagong katawang wala ng kamatayan. Itatatag niya ang Kaharian sa mundo (Pahayag 20:1-6) at isasakatuparan ang pagpapanumbalik ng daigdig na siyang ipinangako sa pamamagitan ng mga propeta at mga apostol ( Mga Gawa 1:6, 3:21; 26:6 at 7)

Paghuhukom

Matapos ang 1,000 libong taong pamamahala ni Hesus, ang mga hindi naging matuwid na namatay na ay muling bubuhayin at hahatulan sa walang katapusang pagpapahirap at pagkawalay sa Diyos (Pahayag 20:7-15).

Ang Hantungan ng Tao

Ang huling hantungan ng tao ay hindi langit o impiyerno. Ang mga matuwid ay mamanahin ang daigdig na sa katapusan ay babaguhin o panunumbalikin sa Paraiso (Mga Awit 37: Mateo 5:3, Pahayag 5:10,11:15). Ang mga hindi matuwid, ang mga masasama ay ihahagis sa kumukulong lawa ng apoy ( kamatayan at pagkalipol, hindi walang-hanggang pagkasunog), na ang bunga ay walang-hanggang pagkawalay saDiyos (Pahayag 20:10-15).

Kaligtasan

Sa pamamagitan ni Hesukristo, ang kaligtasan ay nakalaan sa tao bilang isang handog o biyayang hindi na dapat pang pagtalunan (Mga Taga Roma 3:21-24). Hindi maaring iligtas ng tao ang kanyang sarili (Mga Taga Efeso 2:5-10). Ang tao ay may katungkulang magkaroon ng pananampalataya sa Kaharian ng Diyos (Marcos 10:15) at sa mga isinagawang pagtubos ni Cristo (Mga Taga Roma 10:9 at 10). Ang pakahulugan ng pananampalataya ay pagsunod ( Santiago 2:14-26). Kung si Hesus ang ating Panginoon, kinakailangan nating sumunod. Kinakailangan nating panatilihin ang pananampalataya hanggang sa huli. ( Sa mga Hebreo 3; 6;10) upang makapasok sa Kaharian.

Ang Iglesiya

Ang Iglesiya ngayon ay ang katawan ni Kristo sa pamamagitan ni Kristo bilang ulo. Ang bawat isa ay walang katulad na kasapi at mahalaga sa ganap na kabuuan ng Iglesiya. Walang isa man na nakatataas o nasa ibaba ng sinoman. Walang isa man na nakahihigit o nagkukulang. Ang ating pagkaka-iba ay hindi banta o puwersa para sa inggit bagkus ay nagpapakita ng pangangailangan para sa ating pagtutulungan. Ang pagmamahal ng Diyos ang nagbubuklod sa atin. ( Mga Taga Roma 12:1-21, I Mga Taga Corinto 12:1-13, Mga Taga Efeso 4:1-16).

Ang Aming Hangarin

Ang hangarin ng Iglesya Kristiyano ay: " Humayo kayo sa buong sanlibutan at ipangaral ninyo ang magandang balita sa lahat ng nilalang." (Marcos 16:15). Ang aming sama-samang paglilingkod ay ipangaral ang Ebanghelyo ng Kaharian na magpapanumbalik ng tao sa Diyos (II Mga Taga Corinto 5:18 at 19)

X